November 29th, 2008

Pitikan: Ang ikalawang Yugto

Ika-27 ng Nobyembere. Unang araw ko sa trabaho matapos ang labing apat na araw na bakasyon kung saan ako nag-maneho sa kalsadang tila hindi nauubos, matapos ang higit sa dalawang libong pitik mula kay Trince (Canon 450D) at kung anu-ano pang pangyayari sa aking buhay.

Bumalik ako sa opisina at tila nakalimutan ko na ang lahat. Nakalimutan ko ang aking password sa aking workstation. Muntik kong makalimutan ang aking phone login. Nawalan ako ng access sa notepad at Filezilla.

Wala akong ginawa sa buhay ko noon sa opisina kundi dumaldal, mag-surf at kung anu-ano pang kalokohan. Buong araw ako naka-titig sa aking monitor at tila naghihintay sa wala.

Hindi mabilang na kumento sa mga blog ng kakilala at isa na dito ang litratong ginawa ni Kat kung saan parang nabasa siya ng tubig at biglang dumami. Sa isang reply niya sa kumento ko, sinabihan niya ako na nag-text siya sakin. Kamalasan naman at bawal ang mobile phone sa aming mga workstation dito sa opisina dahil mga mukha daw kaming magnanakaw ng credit card number.

Nang matapos ang isang napakahabang araw ng paghihintay ng gagawin sa opisina, dumercho ako sa Lung Center (smoking area ng opisina) upang mag-sunog ng baga. Matapos ang ilang minuto ng kwentuhan at kung anu-ano pa, dumercho ako sa locker room upang tignan ang aking mobile phone. Nakita kong mayroon akong limang mensahe. Dalawa dito ay mula kay Kat, isa mula kay Toti at dalawa mula sa paborito kong texter, ang Globe.

Una kong binasa ang mensahe ni Toti (ang bandista kong kaibigan na napaka-likot sa entablado), nagyaya siya uminom sa kanila. Nag-isip ako kung may okasyon at wala naman akong naalala kaya hindi na ako nag-reply para isipin niya na natutulog na ako. (Kinabukasan ko na nalaman na anibersaryo pala ni Camille kaya pala may maliit na celebration, pasensya na at hindi ko talaga alam. Happy anniversary nalang sa inyong dalawa!)

Sumunod ang mensahe ng Globe at ito'y binura ko na lamang dahil wala naman kwentang mensahe ito.

Binasa ko na ang mensahe ni Kat at siya ay nagyaya pumunta sa Gateway para sa ikalawang EB ng mga Pitikero. Nag-dalawang isip ako nung una dahil tila isang malaking parking lot ang kahabaan ng Ayala pero sinimulan ko narin mag-lakad mula opisina patungong MRT sa may SM. Medyo pawisan ako sa pag-lalakad dahil napaka-init kahit wala ng araw. Medyo malayo din ang aking nilakad dahil sa PeopleSupport ako. Mag-kabilang dulo ng Ayala ang nilakad ko pero ayus din dahil matagal ko ng hindi ginawa yun.

Pag-dating ko sa MRT Station, napa-isip na naman ako kung tutuloy ako dahil napaka-haba ng pila sa bilihan ng card. Masikip at mainit. May mabango at may mabaho, halu-halong amoy at talaga namang nakaka-hilo. Hindi ako maselan sa ganito pero yung mga panahong yun, dahil na rin siguro sa antok at gutom, nahilo ako. Nag-desisyon akong pumunta parin dahil mukha naman magiging masaya ang EB.

Habang naka-pila, medyo nairita ako sa tatlong matandang babae ang biglang sumingit sa pila na parang walang ibang taong naka-pila. Dalawang tao nalang ang pagitan mula sa akin at ang kahera ng biglang umeksena ang tatlong matanda. Doon ko lang naalala na hindi na nga pala kailangan pumila ng mga Senior Citizen, bakit, dahil nga Senior Citizen na sila. Kinalimutan ko nalang na nairita ako pero dahil sinulat ko na rin ito, may ideya ako, sana mag-karoon na lang ng isang takdang kahera para sa mga Senior Citizen at mga may kapansanan para naman mas madali para sa kanila at hindi na nila kailangan makipag-siksikan sa mga taong naka-pila at para narin maiwasan ang pagka-irita ng ibang tao. May katuturan ba ang aking ideya?

Balik sa EB, habang naka-sakay sa MRT, naka-tayo lang ako dahil sa dami nga ng tao at may dalawang babaeng biglang humaripas ng takbo papasok sa MRT at halos itulak ako. Buti nalang at babae sila dahil kung lalaki sila, baka pinatulan ko na sila.

Matapos ang ilang minuto at anim na istasyon ng MRT, bumaba na ako sa Araneta Center at inumpisahan kong lumakad patungong Gateway kung saan naghihintay sila sa Food Court.

Medyo naligaw ligaw pa ako ng konti dahil hindi ko naman talaga ako pumupunta sa Gateway. Una kong nakita si Kat dahil siya lang naman talaga ang kilala ko dun. Una ko siyang binati at ipinakilala niya ako sa mga Pitikero.

Nasa EB ang mga sumusunod.

  • Alex - Ang tindero ng t-shirt na tila lumalaklak ng Cobra Energy Drink dahil sa taas ng kanyang enerhiya at kadaldalan.
  • Vince - Ang taong steady na patawa-tawa lang pero kwela din.
  • Jen - Ang taong perky at todo sa pag-ngiti at makulit din.
  • Rachelle - Ang estudyante na walang tigil sa pag-pitik.
  • Bea - Ang estudyante tulad ni Rachelle. Fine Arts student kaya astig!
  • Drew - Ang taong naka Pilipinas Jacket ng Adidas na umorder ng mutant liempo ng dinosaur.
  • Pot - Ang taong pormal ang get-up pero makulit din humirit.
  • Chat - Ang taong naka-suot ng STAND UP shirt. Astig! 
  • Kat - Ang taong maliit pero makulit at malakas _________. Fill in the blank nalang.
  • Direk Coco - Ang taong mahaba ang buhok at makulit at masaya din kasama.

Ang mga Pitikero

Ang mga Pitikero minus the Tindero

L2R: Chat, Pot, Vince, Drew, Kat, Keith, Jen, Bea, Rachelle, Direk Coco

Ayus ang grupo, masaya at mataas ang enerhiya. Paniguradong mauulit ang pag-sama ko sa grupong ito at sana sa mga susunod na pag-kikita ay makapag-shoot naman tayo o di naman kaya ay konting inuman para mas makilala natin ang isa't isa. Sana din sa may bandang Makati naman. Pero dahil kaladkarin akong lalaki, kahit saang sulok na Maynila ay ayus lang sa akin.

Posted by kitongzki at 03:43 PM | Slash me...

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.

Post comment as a guest

Your name:

Your email: (will not be posted publicly)

Your website:



site powered by tabulas | Back to Top - Home - Gallery - Friends - Friends Of - Favorites - Content - Archives - Links